Marami ngang maaaring mangyari sa buhay ng tao gamit ang mga tanong. Dahil sa mga tanong nasira ang pagkatao ko at naging makasalanan. Binago nito ang mga ngiti ko at pinalitan ng mga luha.
Tinanong niya ako kung papayag akong makipagsiping. Hindi ko inaasahang lalabas ang mga salitang ito sa labi ng aking minamahal. Ilang buwan pa lang kami at disenteng tao ang pagkakakilala ko sa kanya kaya nagulat ako sa mga narinig ko.
Isa pa, nag-aaral pa lang kaming dalawa sa kolehiyo. Oo nga at magtatapos na siya sa kursong kinukuha niya ngunit ako ay nasa ikalawang taon pa lamang. Ngunit, sa mga oras pala na ganito hindi mo na maiisip ang iba pang mga bagay dahil walang ibang importante kung hindi ang sagot sa mga katanungan.
Mabilisang pagsagot na may halong pananakot at panunumbat. Paano nga ba masusukat ang pagmamahal at ang pagiging malambing? Ano ba ang tunay na pundasyon ng pag-ibig? Sapat na bang ibigay ang sarili at kalimutan ang lahat ng aking paniniwala? Naiisip ko para akong isang pulubing namamalimos ng atensyon sa mga tao, hindi lang sa kanya kung hind imaging sa iba pang tao sa aking paligid.
Takot akong mawala ang nag-iisang taong nagparamdam ng kahalagahan ko sa mundong ito kaya pumayag ako. Ilang beses ko mang batukan at kainisan ang sarili ko, mas nangingibabaw pa rin ang takot na mawala siya.
May mga bagay pala na kapag natikman, hahanap-hanapin na. Ang isang beses namin ay nadagdagan. Hanggang sa nagbunga ang aming kasalanan. Sinabi ko sa kanya ang balita pero lumabas ang tunay niyang kulay at ako pa ang sinisi dahil daw hindi ako nag-ingat. Pagkatapos ng araw na iyon, iniwasan na niya ako at ang bagay na kintatakutan kong mangyari ay bigla ring dumating. Nawala siya sa buhay ko at iniwang sira ang pagkatao ko.
Wala akong maituturing na kaibigan dahil masyado akong mahiyain para pagsabihan ng mga problema ko at hiwalay ang mga magulang ko. Natakot akong malaman ng iba ang aking kinasapitan at ayoko ring tumigil sa pag-aaral. Kailangan kong matupad ang mga pangarap ko para sa isa ko pang nakababatang kapatid na umaasa sa akin at para na rin patunayn ang sarili ko sa aking mga magulang.
Ayokong kumuha ng responsibilidad na hindi ko naman mapapanindigan. Madaling maging ina at magkaroon ng anak ngunit mahirap magpaka-ina at magpalaki ng anak. Pinalaglag ko ang bata. Mali man ang desisyon ko para sa nakararami, nang panahong iyon ito lang ang naisip kong paraan para matupad ang mga pangarap ko.
Nakatapos man ako ng pag-aaral at nagkaroon ng magandang trabaho, hungkag naman ang aking pakiramdam. Siguro ay dahil may kulang at ito ay ang aking anak. Wala akong magawa kung hindi ang lumuha at humingi ng tawad sa DUGO at LAMAN na ipinalaglag ko at itinapon sa basurahan.