Wednesday, August 04, 2010

baba-e

Kasabay ng malakas na pagbuhos ng ulan ay ang pagpatak ng aking mga luha. Mga luhang lagi ay nais kumawala sa aking mga mata. Manggagamit. Puta. Traydor. Halimaw. Madalas nilang ibansag sa akin dahil sa aking katayuan sa buhay.

Ngunit, sa haba ng panahong namuhi ang mundo sa akin wala man lang ni isang nag-abalang magtanong kung bakit ito ang pinilo kong landas.

Produkto ako ng isang sirang tahanan sa Pilipinas. Iniwan kami ng aking ama sa isang babae at hindi nagtagal nag-asawang muli si ina. Nag-iisang anak at wala pang muwang sa edad na walo. Napakabata ko pa noon pero hinding-hindi ko malilimutan... nang una akong pagsamantalahan ng aking amain. Napakasakit ng naranasan ko, pisikal at emosyonal akong nawasak. Wala akong ibang magawa noon kung hindi umiyak, kung minsan nga ay inuuntog ko ang ulo ko sa pader, nagbabaka-sakaling bangungot lang ang lahat at magising ako.

Nagsumbong ako kay ina pero nagkibit-balikat lamang siya. Pakiramdam ko ng mga panahong iyon ay tinalikuran ako ng buong mundo. Apat na taon akong nagtiis hanggang sa may naisip akong paraan.

Tumakbo ako. Sinubukang tumakas. Pumunta ako sa bahay ng aking ama at doon tumira. Hindi ko sinabi ang mga naranasan ko dahil sa takot. Ang babaeng pinagpalit sa amin ni ama ay dating puta. Kapag nasa malayong lugar si ama para magtrabaho, binubugaw niya ako. Hindi ko lubos-akaling ang isa ay aabot sa dalawa, tatlo at hanggang sa hindi ko na mabilang pa.

Tumakas akong muli Ito lang naman ang alam kong gawin, ang tumakas, tumakbo patungo sa lugar na hindi ko alam kung saan, Wala akong mapuntahan, wala akong maituturing na 'kaibigan', sinubukan kong maghanap ng trabaho pero katawan ko lang ang nais nila.
Ginamit ko ito; katawan, alindog at ganda, ano pa nga bang mayroon ako kung hindi ito lang. Madalas akong magbuntis pero palagi kong pinapalaglag. Ayoko ng responsibilidad lalo na kung hindi ko rin lang mapaninindigan. Isa akong puta at ayoko nang dagdagan pa ng salitang 'ina'. Marami na rin akong nasirang tahanan at mga babae' batang nawasak ang buhay. Halimaw nga siguro ako.

Marami akong naging kostumer na nangakong ibibigay lahat para sa akin, makamit ang pag-ibig ko. Pag-ibig? Pwe! Pag-ibig ang sumisira sa buhay ng tao at sa buhay ko.
Ginamit nila ang katawan ko kaya gagamitin ko rin ang pera nila na kung tawain ko ay pag-ibig. Pumasok ako sa trabahong ito hindi para makahanap ng taong magliligtas sa akin, hindi na ako umaasa pa at sukang-sukang na ako sa damdaming naging dahilan ng aking kasawia. At mas lalong hindi ko pinatulan ang trabahong ito para yumaman at tuparin pa ang mga pangarap ko. Para sa akin, ang tao ay nabubuhay lamang para hintayin ang kanyang kamatayan kaya mamamatay ako sa ganitong klase ng trabaho. Ni hindi ko na nga alam kung ano ang pangarap ko.

Isa akong mababang uri ng babae, mababa ang pagtinging pinupukol ng lipunan at mababa ang pagtingin sa sarili. Walang pamilya, walang kaibigan at walang nagmamahal.Ganu'n lang ang ang nararapat sa akin.
Umiiyak ako hindi dahil sa aking kasawian o sa aking nakaraan. Umiiyak ako dahil sa wakas malapit na ang aking kamatayan, luha ito ng kaligayahan... dito sa loob ng isang ospital dahil sa sakit na AIDS.

No comments:

Post a Comment