Friday, July 20, 2012

Kung ako ay isang ama


Kung ako ay isang ama, nanaisin ko ang magandang buhay para sa aking pamilya. Mamahalin ko ang aking asawa na ina ng aking mga anak ngunit mananatiling mas matimbang ang anak dahil sila/siya ay laman ng aking laman at dugo ng aking dugo. Hindi ko sila iiwan kung hindi rin lang kinakailangan dahil sa bawat pagtatapos ng araw, nanaisin kong sa aming tahanan mahimlay. Hindi ko tatalikuran ang aking responsibilidad bilang ama ng tahanan kahit na dumaan pa sa pinakamahirap na pasubok ng buhay.

Magsisilbing batas ang aking mga salita ngunit bibigyan ko ng karapatan ang bawat isa na magsalita at magbigay ng kanilang mga opinyon. Tatanggapin ko kung ako ay nagkamali sa pagpapasya at hindi ko itatago sa aking mga anak kung ako ay lumluha dahil alam ko na minsan ito ay nagiging simbolo ng pagiging tao at katapangan.

Hindi ko sasabihin sa aking mga anak kung ano ang dapat nilang gawin sa buhay bagkus ipapakita ko sa kanila kung paano ako nabubuhay. Hindi ko sasaktan ang aking mga anak maliban na lamang kung hindi na magamit ang mga salita sa pagdidisiplina. Iisa lamang ang aking asawa ngunit marami ang babae at kung magkamali man ako dahil sa aking pangangailangan, mananatiling siya pa rin ang may hawak ng puso ko. Hindi ko ipagmamalaki kung ako ay naging mabuting ama o ikahihiya kung ako ay naging masama dahil hahayaan ko ang mga anak kong magpasya, kung ako... kung ako ay isang ama.

No comments:

Post a Comment