Wednesday, August 24, 2011

talambuhay 2

Ito na ang ikalawang pagkakataon na gagamitin ko ang blog na ito para sabihin ang kasalukuyan kong nararamdaman at sana ito na rin ang huli.ang pinakaayokong pakiramdam sa mundong ito ay kapag nararamdaman kong "useless" ako at walang silbi. Natatakot din akong magkamali, gusto ko lahat ng gagawin ko "perfect" o kahit sa pinakamalapit na pakahulugan lamang ng salitang ito ang patunguhan ng gagawin ko, sobrang masaya na ako.
At ito ang nararamdaman ko sa kasalukuyan -- "useless", walang silbi at isang taong walang kwenta sa dami nang nagawang pagkakamali at kasalanan.
Naalala ko lahat ng dahilan kung bakit ako napunta sa ganitong kalagayan. Pakiramdam ko ang liit-liit ko at higit sa lahat muli kong naramdaman na sana hindi na lang ako nabuhay sa mundong ito. Salamat sa taong itago na lang natin sa pangalang "syokoy" muli kong naramdaman ang mga bagay na ito.
Buong buhay ko uhaw na uhaw ako sa mga papuri at pagbati. Kaya nga sa tuwing mayroon pupuri sa mga sinulat at pananaw ko, sobrang saya ko na at lubos na akong nagpapasalamat.
Ayoko nang habaan pa ito, ang alam ko lang bumalik lahat ng alaalang kinakalimutan ko.

Friday, August 12, 2011

kung pwede lang.

Kaya minsan mas nanaisin ko pang maging bingi;
Kaysa marining ang kasinungalingang nagpapanggap na katotohanan.
Kaya mas nanaisin ko pang maging bulag,
Kaysa makita ang kasamaang nagkukunwaring mabuti.
Kaya minsan mas nanaisin ko pang hindi magsalita;
Kaysa magsilbing sandata ang dila at makapanakit.
Kaya minsan mas gugustuhin ko pang maging manhid,
Kaysa makaramdam ng sakit at pighati.

Wednesday, August 03, 2011

talambuhay 1

Ito na siguro ang tamang panahon para gampanan ng blog na ito ang tunay nyang purpose. Hindi lang bilang literary folio kung hindi para magsilbing online journal o diary na rin. Disappointed kasi ako sa sarili ko.

Simula pa lang pagkabata, sinanay na ako ng mga magulang ko na kumilos nang naaayon sa gusto nila, ung tipong may pakinabang, palaging nasa ayos ang lahat at ung tipong walang ibang dapat gawin kung hindi ang kumilos nang tama sa mga mata nila. Kaya ayokong maramdaman na 'useless' ako, kasi nasanay akong palaging nagiging magaling at maaasahan kasi un ang dapat. Simula kasi nang maghiwalay ang mga magulang ko, sinabi ko na sa sarili ko na wala akong ibang dapat asahan kung hindi ang sarili ko. Kaya kahit mahirap at nakakapagod, pinipilit ko pa rin. Pero darating din pala sa puntong gusto mo namang umasa sa iba at may masandalan kahit sandali lang.

Gustong-gusto ko itong sabihin sa mga kaibigan ko kaso ayoko nang marinig ung mga salitang 'kaya mo yan' hindi naman cheer ang kelangan ko eh, tulong. Isa pa, alam ko rin naman na hindi lang ako ang nagkakaroon ng problema. Consolation ko na lang siguro ay ang kaalamang ung maswerte pa rin ako kasi merong mga tao dyan na mas malala pa ang problema sakin.

Minsan naiisip ko, ang sarap sigurong mabuhay nang normal lang, ung tipong uuwi ka tapos kumpleto ung pamilya mo at wala ka nang iisiping problema bukod sa pag-aaral. Tuloy, naiinggit ako sa mga taong halos kapareho ko ng kalagayan pero nananatili pa ring masaya at goal-oriented. Ah, siguro may pagkakaiba pa rin kasi sila marunong pang magtiwala sa ibang tao at kahit sa mga magulang nila. Ako kasi hindi na. Parang lahat ng emosyong may kinalaman sa kasiyahan nakalimutan ko na gaya ng pagmamahal, pagtitiwala, pag-asa, pagpapahalaga at pagpapatawad. Wala na akong ibang maramdaman kung hindi galit at lungkot.Tumatawa ako pero malungkot, palagi na lang parang may kulang.

*un na lang muna... marami pa namang pagkakataon..